Umapela ang liderato ng Department of Transportation sa mga bus operators na iwasan muna ang biyahe ng mga bus sa Bicol region dahil sa mahabang pila ng mga stranded na sasakyan sa Matnog Port.
Ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista, na aabot na sa halos 30-kilometro ang pila ng mga sasakyan sa Matnog Port sa Sorsogon na na-stranded sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Patuloy naman aniyang nakikipag-ugnayan ang DOTr sa mga awtoridad para mapadali ang pagbiyahe ng mga RoRo vessels papuntang Allen, Northern Samar, lalo’t inaasahan pa ang dagsa mga biyahero para sa Undas.
Kaugnay nito, naglabas na aniya ng memorandum ang Land Transportation Office (LTO) sa mga bus operators para huwag munang bumiyahe sa Bicol region, lalo ang mga papuntang Matnog Port dahil mahaba pa rin ang pila ng mga stranded na pasahero at sasakyan.
Para sa mga uuwing Visayas, maaari aniyang sumakay sa Batangas Port dahil may mga biyahe doon papuntang Mindoro at Panay.
Sa pagtataya ng DOTr, 100 pantalan ang naapektuhan ng bagyong Kristine, at aabot sa halos P100-milyon ang naging pinsala ng bagyo sa mga pantalan na pawang minor damages.