-- Advertisements --

Tumipa ng 18 points si Myles Turner upang pangunahan ang Indiana Pacers tungo sa 108-104 paggupo sa Houston Rockets.

Maliban kay Turner, nagdagdag ng season-high na 17 points ang reserve na si Edmond Summer para sa Pacers, na natuldukan na rin ang kanilang five-game losing streak sa Rockets.

Sa kampo ng Rockets, nabalewala lamang ang 45 points at 17 rebounds na ibinuhos ni James Harden.

Mistulang abot kamay na ng Indiana ang panalo tangan ang 104-90 abanse sa nalalabing 5:05.

Bigla namang humarurot ang Houston sa pangunguna ni Harden, para matapyasan ang iskor sa 106-104 tampok ang driving basket sa 27 segundong natitira.

Nanggaling din kay Harden ang 11 sa 14 puntos ng Houston sa nasabing yugto.

Makaraan namang magmintis ang 3-pointer ni Victor Oladipo, nakuha ni Justin Holiday ang bola sa huling anim na segundo.

Sinelyuhan ng dalawang foul shots ni Holiday ang unang panalo ng Indiana kontra Houston mula noong Pebrero 2017.