Nagbuhos ng 37 points at 11 rebounds si James Harden upang dalhin ang Houston Rockets tungo sa 128-103 pagdiskaril sa Oklahoma City Thunder sa kanilang unang laro sa Western Conference playoff series.
Wagi ang Rockets kahit wala sa laro ang All-Star na si Russell Westbrook dahil sa quad injury.
“Our ball movement tonight was excellent,” wika ni Harden. “We were just playing off the catch, guys were very confident in their shots when they’re open. When they’re not open, they’re getting off the ball and making a quick decision.”
Maliban kay Harden, nag-ambag din si Jeff Green na pumoste ng 22 points, at si Eric Gordon na may 21 points para sa Houston.
Nakakuha rin ang Rockets ng 42 puntos mula sa kanilang mga bench players.
Sumandal naman ang Thunder kay Danilo Gallinari na naduplika ang kanyang playoff career high na 29 points.
Nasayang din ang 20-point, 10-rebound, nine-assist performance ni Chris Paul para sa Oklahoma.
Umiskor ng 16 points si Gordon at si Harden ng 15 sa first half upang mapasakamay ng Houston ang 68-52 abanse.
Natapyasan naman ng Oklahoma City ang kanilang deficit sa 10 sa third quarter, ngunit nakalayo ang Rockets at naglista ng 104-83 kalamangan sa pagpasok ng huling yugto.