Nagpakawala ng 23 points, 14 assists at pitong rebounds si LeBron James upang tambakan ng Los Angeles Lakers ang Washington Wizards, 124-106.
Umasiste rin sina Kentavious Caldwell-Pope na kumubra ng 29 points, at si JaVale McGee ng 20 points at 15 rebounds para itala ng Lakers ang kanilang unang back-to-back wins mula noong Enero.
Samantala, nauwi lamang sa wala ang 32 points ni Bradley Beal para sa Wizards kung saan 21 rito ay kanyang naitala sa second half.
Dahil dito, nasa balag ng alanganin ang Washington na makapasok sa playoffs sa ikalawang pagkakataon sa anim na seasons.
Habang ang Lakers naman ay anim na bseses nang hindi nakakatungtong sa next round, na nahigitan pa ang naunang record sa kasaysayan ng franchise.
Binuksan ng Lakers ang third quarter nang magpakawala sila ng 19-point lead sa kabila ng 17 points ni Beal sa nasabing yugto.
Bagama’t natapyasan ng Washington sa single digits ang agwat nila sa Lakers, tumugon naman sina James at Caldwell-Pope sa pagtatapos ng laro upang maitakas ang tagumpay.