-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers na ibigay ang double pay ng mga manggagawa na papasok sa trabaho sa mga araw na idineklaang regular holidays ngayong buwan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga empleyado na papasok sa regular holidays sa Abril 9,14 at 15 ay entitled na makatanggap ng doble sa kanilang arawang sahod alinsunod sa nakasaad sa Labor Advisory no.8.

Ibig sabihin ang mga magtratrabaho sa nasabing mga petsa ay dapat na makatanggap ng 200% ng kanilang regular na sahod habang ang mga empleyado naman na hindi papasok sa regular holidays ay makakatanggap pa rin ng 100 porsyento ng kanilang sahod.

Dapat din na bayaran ng mga employer ang pagtratrabaho ng overtime ng mga empleyado ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate gayundin kapag ang mga empleyado ay nagtratrabaho tuwing regular holidays at araw ng kanilang day off dapat silang makatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate ng double pay at karagdagng 30% kung magtratrabaho pa ng overtime.

Subalit sa Abril 16 naman na idineklarang special non-working day, ayon kay Bello dapat na i-apply ang no work, no pay.

Kapag pumasok naman ang isang empleyado sa special day dapat na makatanggap ito ng karagdagang 30% ng kanilang basic wage sa unang walong oras ng pagtratrabaho at karagdagang 30% para sa OT.

Sa kabilang banda naman, ang mga manggagawa na papasok sa trabaho sa araw ng kanilang dayoff na nagkataong special day ay dapat na makatanggap ng 50% ng kanilang sahod para sa unang walong oras sa kanilang trabaho at 30% pa na dagdag para sa overtime.Top