-- Advertisements --
Risa Hontiveros
Senator Risa Hontiveros

LEGAZPI CITY – Idinepensa ni Senator Risa Hontiveros sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi ang botong “No” sa additional powers para kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa pagsasabing political will ang higit na kailangan at istriktong pagpapatupad sa mga batas sa laban ng pamahalaan sa COVID-19.

Kaugnay nito, magdo-double time umano ang Kongreso sa pagbabantay upang hindi maabuso ang iginawad na emergency power kay Duterte.

Sa ilalim ng “Bayanihan to Heal as One Act”, binibigyang-poder ang Pangulo na gamitin ang kapangyarihan para makabuo ng mga hakbang at magdeklara ng national policy upang malabanan ang sakit.

Umiiral na aniya ang Government Procurement Reform Act, Price Act at Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act na hindi pa naman nai-exhaust.

Wala rin umanong binanggit na partikular na mga programa at evidence-based strategy, kaukulang halaga na gagamitin, maging kung saang kagawaran huhugutin ang pondo.

Panawagan pa ng senador na huwag sanang mabigo ang taumbayan sa mas mataas na “expectation” dahil sa iginawad na poder.

Kasalukuyang naka-home quarantine si Hontiveros subalit bumoto itong kontra sa “Bayanihan Act” kagabi sa isinagawang special session.