Inabisuhan ng Department of Public Works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR) ang mga motorista na asahan na ang bigat ng daloy na trapiko simula Agosto 4.

Ito ay dahil sa pagsasaayos nila ng mga kalsada na nasira dahil sa pagdaan ng magkasunod na bagyong Egay at Falcon.

Magsisimula ang pagkumpuni nila dakong alas-10 ng gabi ng Biyernes sa bahagi ng EDSA Busway mula Buendia sa Makati City hanggang sa Muñoz sa Quezon City, North at Southbound lane na magtatagal ng hanggang 5 ng umaga ng Agosto 9.

Nakaantabay naman ang mga traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa pagbibigay ng direksyon sa mga dadaang motorista.