Nakatakdang ipatawag ni Senate Committee on Public Works Chairman Sen. Ramon Bong Revilla Jr. si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando S. Artes upang pagpaliwanagin hinggil sa hindi maresolbang pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas sa tuwing bubuhos ang ulan
Ani Revilla, nakakapikon itong sitwasyon ng lahat na sa tuwing uulan ay palagi na lang tayong baha, samantalang napakaraming proyekto at bilyon-bilyon ang ginagastos para masawata ang pagbaha.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works, sinita ni Revilla ang dalawang ahensiya na tila hindi umano epektibo ang mga flood control programs na grabeng pinagkakagastusan mula sa pondo ng pamahalaan para sa naturang programa.
Ayon sa annual General Appropriations Act mula 2019 hanggang 2023, ang DPWH ay tumanggap ng kabuuang P594.62 bilyong appropriation para sa kanilang flood control program habang ang MMDA ay tumanggap naman ng P6 bilyon.
Idinagdag pa ni Revilla na dismayado umano siya sa DPWH at MMDA dahil sa palagi na lamang naglalabas ng press release sa tuwing lumulubog ang bansa sa baha.
Noong nakaraang linggo, nanalasa ang Severe Tropical Storm Egay na tumama sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 2,397,336 indibidwal o 654,837 pamilya ang naapektuhan ng pag-ulan at umabot sa 425 ang insidente ng pagbaha.