Balak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglagay ng bike lane sa EDSA ngayong isa na ang biking sa mga alternatibong paraan ng transportasyon sa ilalim ng “new normal” bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Public Works and Highways Sec. Mark Villar na kasalukuyang nasa planning stage pa lang sila sa paglagay ng bike lanes sa EDSA gayundin sa iba pang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
“Meron ding bike lane na walang harang pero may guhit sa kalsada. Depende, kung meron talagang makukuhang space para sa bike lane, kukuha kami. Pero kung hindi, marami pa kaming options. Pwedeng lagyan ng mga markings para at least ma-identify yung bike lane sa isang kalsada,” ani Villar sa isang panayam.
Base aniya sa pag-aaral ng Department of Transportation, tataas ang kapasidad ng EDSA na makapag-accomodate ng mga sasakyan kung magkaroon ng dedicated bus at bike lanes.
Sa ngayon, isinasapinal pa aniya nila ang kanilang plano kung barriers o fences nga ba ang kanilang gagamitin para ihiwalay ang dedicated bike at bus lanes.
Bukod sa bike lanes, balak din ng DPWH na maglagay ng elevated walkways sa EDSA.