KALIBO, Aklan – Umaasa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na maiibsan ang mga pagbaha sa isla ng Boracay matapos buksan ang phase 2 ng circumferential road project sa isla.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, napansin umano nila ang mabilis na paghupa ng tubig sa mga bahaing lugar sa isla kasunod ng naranasang malalakas na buhos ng ulan nitong mga nakaraang araw.
Sa kasalukuyan ay bukas na sa mga motorista ang Phase 1 at 2 ng proyekto at inaasahang sa taong 2022 ay matatapos na ang natitirang Phase 3 ng proyekto na tinatayang may habang 11 kilometro.
Sa nasabing proyekto, ginawa itong kongkreto, mas pinalawak ang kalsada, nilagyan ng drainage system, street lights, road safety markings at pinalapad pa ang pedestrian sidewalk.
Dagdag pa ni Sec. Villar sa sandaling makumpleto na ang nasabing proyekto, inaasahang aabot na lang sa 40 hanggang 45-minuto ang biyahe mula Cagban Port sa Barangay Manocmanoc hanggang Ilig-Iligan Beach sa Barangay Yapak mula sa kasalukuyang isang oras at 30 minuto.