Nangako ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na kanilang bibigyang prayoridad ang pagdadagdag ng trabaho para sa mga Pilipino sa mga ilang mga infrastructure projects sa bansa.
Ito’y makuwestiyon ng mga senador ang DPWH sa dahilan kung bakit mga dayuhang manggagawa ang kinukuha ng ahensya para sa ilang mga proyekto.
Sa pagdinig ng Senado sa pondo ng DPWH, sinabi ni Sec. Mark Villar na kaisa raw ang kagawaran sa layunin ng pamahalaan na mabigyan ng trabaho ang maranmi pang mga Pilipino.
“We will always be one in this desire to increase job creation in our country and we will only allow foreign if it’s absolutely necessary for certain technical skills,” wika ni Villar.
Una rito, inamin ni DPWH Usec. Emil Sadain na halos kalahati ng workforce ng isa sa dalawang bridge projects na pinondohan ng China ay binubuo ng mga trabahador na Chinese.
Ayon kay Sadain, mayroong dalawang proyekto mula sa grant package contract na may mga Chinese workers, na kinabibilangan ng Estrella-Pantaleon bridge na may 69% na mga Pinoy workers, at 31% na Chinese workers; at Binondo-Intramuros bridge na may 55% Filipino at 45% Chinese workers.
Paliwanag ng opisyal, bunsod ito ng technicalities at specialization para sa mga materyal ng proyekto.
“They will be just here for the installation but on the succeeding constructions of the down-ramp, up-ramp, this will be largely Filipino that will be engaged,” sambit ni Sadain.
Natanong din ni Sen. Kiko Pangilinan kung kasama ba ang pag-hire sa foreign workers sa kondisyon ng Official Development Assistance (ODA) projects o mga proyektong pinondohan ng ibang bansa.
“We have many ways of being able to push for local employment over foreign employment. Mataas yung 45 percent, mataas yung 31 percent, no matter how you look at it…halos kalahati pala yung isa, 45 percent foreign workers,” ani Pangilinan.
“COVID-19 is the game changer, and we also have to change our way of dealing with these ODA contracts and pushing for and fighting for Filipino employment, unahin natin yung ating mga kabaayan,” dagdag nito.
Sagot naman ni Villar, hindi ito kondisyon sa mga proyekto ngunit kailangan ng ilang foreign workers para sa kanilang specialization para sa mga bagong teknolohiya na kinakailangan sa mga proyekto.
Dagdag ng kalihim, mayorya pa rin ng mga manggagawa sa kanilang mga proyekto ay mga Pilipino.