CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng pamunuan ng Department of Public Works and Highway (DPWH) Isabela 3rd District Engineering Office ang isyu na pangongotong umano ng ilan nilang inhinyero sa kanilang mga contractor.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dist. Engr. Adonis Asis, iginiit niya na mayroong transparency sa kanilang tanggapan dahil bawat proyekto na kanilang isinasagawa ay nagkakaroon ng proper bidding at ibinabahagi pa Ito online gayundin na tuloy-tuloy ang monitoring sa mga proyekto sa umpisa hanggang sa matapos.
Gayunman, bagamat wala pang matibay na ebidensiya na makapagpapatunay sa lumabas na akusasyon laban sa kanilang mga inhinyero ay agad silang nagpatawag ng pagpupulong at binalaan ang mga engineers.
Bukas aniya ang kanilang tanggapan sa imbestigasyon at kung sakaling mapatunayan na may pagkakasala Ang kanyang mga tauhan ay Hindi niya kukunsintihin.
Aniya, dapat nilang pagbayaraan ang kanilang kasalanan at harapin ang ipapataw na mga karampatang parusa.
Hinikayat naman niya ang mga contractor na huwag mag-atubili na magtungo at kumunsulta sa kanilang tanggapan sakali mang may problema sa kanilang engineers upang mabigyan ng agarang aksyon.