Kinalampag ni Senate Committee on Public Works Chairman Senador Ramon “Bong” Revilla Jr ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad ayusin ang bahagi ng Roxas Boulevard malapit sa Baclaran na gumuho nitong Sabado.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), gumuho ang isang lumang box culvert na sumusuporta sa kalsada kaninang umaga na nagresulta ng pansamantalang pagsasara ng dalawang southbound lane ng Roxas Boulevard malapit sa kanto ng Airport Rd. sa Parañaque.
“Tinatawagan natin ang DPWH – kailangan gawin nila agad. Dapat agarang maayos yang nasirang kalsada. Do it in less than a week. It is already holiday season at sobrang busy na ng mga lansangan, lalo na diyan sa lugar na iyan. Ngayon pa nga lang grabe na ang traffic eh,” ani Revilla.
“At sana rin ay talagang i-audit ng DPWH ang mga public infra natin. Kung luma na pala yung sumusuporta sa kalsada, hindi ba dapat noon pa siya na-retrofit? Para di na sana nagkakaroon ng ganitong mga aberya. I am appealing to the department to take immediate action. Pangunahin pa rin dito ang kaligtasan ng ating mga motorista. Buti kamo walang naaksidente,” dagdag ni Revilla.