KALIBO, Aklan—Nanindigan ang Caticlan‐Boracay Transport Multi‐Purpose Cooperative (CBTMPC) na walang magiging problema sa kanila ang ipapatayo na tulay mula sa mainland Malay patawid sa isla ng Boracay kung ito ay para sa ikaunlad ng bayan at isla para sa kaginhawaan ng lahat at maging ng mga turista kung hindi sila maiiwan sa ere at hindi lubusang maapektuhan ang kanilang kabuhayan.
Ang pahayag ni Godofredo Sadiasa, CBTMPC consultant ay kasunod sa naging anunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tila hindi na mapipigilan pa ang pagsisimula ng Swiss challenge process para sa P5.48-bilyong proyekto ng San Miguel Corporation na magpapatayo ng tulay na magdudugtong sa Boracay at mainland Malay.
Dagdag pa ni Sadiasa na hindi nila kinakalaban ang anumang proyekto ng pamahalaan basta’t may plano para sa kanila lalo na’t milyon-milyon pa ang kanilang utang sa ipinalit na fiber glass na motorbanca na ipinag-utos sa kanila ng Maritime Industry Authority (MARINA) para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Una rito, hinikayat ng DPWH ang mga interesadong partido na magbigay ng kanilang comparative proposal para sa 2.54-kilometrong tulay na proyekto na may 30-taon na concession para sa pagpondo, disenyo, konstruksyon, operasyon, at maintenance.
Nabatid na ang ipapatayong tulay ay hindi maglilikha ng trapiko sa Boracay kung saan, layunin nito na mas mapadali ang transportasyon ng tao, basura, produkto, at mga utility gaya ng kuryente, tubi, at komunikasyon.