-- Advertisements --
DPWH office

Nanatiling ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may pinakamaraming reklamong natanggap ng Department of Justice (DoJ) Task Force Againts Corruption (TFAC) kaugnay ng mga katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang mga inireklamo ay may kaugnayan sa mga anomalya sa mga proyekto ng DPWH sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Kabilang umano sa mga iniimbestigahan ng DPWH ang massive corruption sa first district engineering office ng Northern Samar, ang ghost deliveries ng bigas at petrolyo sa Capalonga sa Camarines Sur, ang maanomalyang pagbili ng mga heavy equipment at illegal disbursement ng Bayanihan funds sa Cateel, Davao Oriental at ang iregularidad sa bidding, suhulan at extortion sa thirid engineering office sa lalawigan ng Cagayan.

Kasama rin sa mga iniimbestigahan ang maanomalyang konstruksiyon ng dalawang tulay na nasa parehong lokasyon sa General Santos City at ang mga nasa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Kahapon nang muling magsagawa ng pagpupulong ang TFAC para pag-usapan ang status ng mga reklamo na natanggap ng secretariat.

Sinabi ni Guevarra na noong Enero 11, nasa 144 nang reklamo ang natanggap ng DoJ at 60 na rito ang na-evaluate ng DoJ.

Kung maalala Disyembre 28 noong nakaraang taon nang isumite ng TFAC ang progress report ng kanilang imbestigasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, nagpahayag na rin umano ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa kanilang planong i-turn over na sa TFAC ang kanilang imbestigasyon sa korapsiyon sa public works projects.

Sa kanilang imbestigasyon, ilang miyembro ng House of Representatives ang ang isinasangkot at kailangan pang imbestigahan at magkaroon ng case build-up. 

Welcome naman umano sa TFAC ang offer ng House of Representatives blue ribbon committee na tumulong sa imbestigasyon na posibleng mangailangan ng legislative action.