Nanindigan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magagawa nilang tapusin sa loob lamang ng 10 araw ang pagko-convert sa ilang mga piling public buildings para gamitin bilang health facilities at isolation sites sa mga pasyente ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, katunayan ay tatargetin nila na maging operational na ang Rizal Memorial Sports Complex sa lungsod ng Maynila sa loob ng kasalukuyang linggo.
Malaki umano ang naibibigay na tulong ng mga private sectors sa kagawaran upang mapabilis pa ang proseso.
Sinabi pa ng kalihim na sapat naman ang bilang ng kanilang mga manggagawa, at nakalatag naman daw ang mga protocols para masiguro ang kanilang kalusugan at kaligtasan.
Maliban sa Ninoy Aquino Stadium, ilan pa sa mga establisimento na gagawing isolation sites ay ang Philippine International Convention Center (PICC), World Trade Center (WTC), at Philsports Arena sa Pasig City.
Sa pagtataya ni Villar, kaya umanong makapag-accomodate ng halos 3,000 posibleng pasyente ang nabanggit na mga establisimento.