Ipinagmalaki ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakumpleto na ang konstruksyon ng mahigit 75,000 classrooms sa buong bansa sa nakalipas na tatlong taon.
Sa isang pahayag, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na sa oras na ibalik ang face-to-face classes, mas maganda na ang classrooms na gagamitin ng mga mag-aaral sa elementary, secondary at maging sa senior high school.
Batay sa datos ng kagawaran, natapos na ang pagsasagawa ng mahigit 75,000 classrooms kung saan mahigit 50,000 ang nagawa noong 2017; mahigit 23,000 noong 2018; at mahigit 1,700 noong 2019.
Maliban dito, mayroon pang classroom projects ang DPWH katuwang ang Department of Education (DepEd) sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund (BEEF) program na patapos na ring gawin.
Umaasa naman ang kalihim na marami pang proyekto ang matatapos para sa posibleng pagbabalik ng face-to-face classes sa 2021 sa mga lugar na mababa ang banta ng COVID-19.