-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tuluy-tuloy ang clearing operation ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang apektadong tulay at daan sa Lambak ng Cagayan.

Kabilang sa mga napinsalang tulay ay ang Carilucud bridge sa Nabbotuan-Palao-Macutay Road sa Solana, Cagayan.

Kasalukuyan ang pagsasaayos sa ilang napinsalang bahagi ng tulay habang pansamantalang itinalaga ang detour o alternate route ang Kalinga Cagayan Road sa Roma Norte Enrile, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Wilson Valdez ng DPWH Region 2, sinabi niya na nakapaglagay na sila ng signages para bigyang impormasyon ang mga motorista sa itinakdang detours.

Sa ngayon ay minomonitor pa rin nila ang Cabagan-Sta. Maria Overflow bridge dahil sa patuloy na pagtaas ng antas ng tubig.

Napinsala rin ang road slip at road slip protection sa bahagi ng Cordon-Aurora Boundery road sa Dissimungal, Nagtipunan, Quirino kaya sarado at hindi madaanan ang isang lane ng kalsada gayunman tiniyak niyang tuluy-tuloy na ang clearing operations sa pangunguna ng district office ng Quirino.

Binabantayan nila ngayon ang mga flood prone areas dahil mas marami ang dalang pag-ulan ng bagyong Goring kumpara sa bagyong Egay kaya maliban sa mga kalsada ay minomonitor din nila ang mga evacuation centers.