-- Advertisements --
image 105

Pinayuhan ng Commission on Audit (COA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tugunan ang pagkaantala ng mga proyekto na nasa kabuuang P96.218 billion.

Sa 2022 report sa DPWH, napag-alaman ng state auditors na nasa 2,395 na mga proyekto na locally-funded ang naantala o hindi naipatupad dahil kulang sa pagpaplano gayundin sa detailed engineering, supervision at monitoring.

Nasa mahigit P60 billion dito na halaga ng mga proyekto ang hindi nakumpleto sa itinakdang panahon base sa kontrata at dagdag na P27.473 billion sa mga proyekto ang sinuspendi habang nasa P5.114 billion ng na-terminate o nakatakdang materminate.

Ilan sa mga dahilan ng pagkaantala ng mga proyekto ay hindi kumpletong engineering studies, obstructions ng electric at telecommunications poles, kawalan ng construction workers at kagamitan, may mga proyekto din na inabandona ng kontraktor at dahil na rin sa naturang calamities at COVID-19 pandemic.

Sinabi naman ng state auditors na sumang-ayon ang pamunuan ng DPWH sa mga rekomendasyon ng audit team at tiniyak ang buong koordinasyon sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno gaya ng mga lokal na pamahalaan, mga pribadong utility companies para sa mas maayos na pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto.