-- Advertisements --

Inanunsyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar na dinapuan na rin ito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang Facebook post, sinabi ni Villar na ito ang lumabas sa test result na kanyang natanggap ngayong araw.

Si Villar ang ikatlong Cabinet official na nagpositibo sa coronavirus, sunod kina Education Secretary Leonor Briones at Interior Secretary Eduardo Año.

Kamakailan nang italaga ng Malacañang si Villar bilang isa sa mga “anti-COVID czars” na tututok sa ginagawang mga hakbang ng pamahalaan laban sa deadly virus.

Maliban kay Villar na itinalagang “isolation czar,” pinangalanan din sina Baguio Mayor Benjamin Magalong bilang “contact tracing czar,” at Health Undersecretary Leopoldo Vega na “treatment czar.”