Sinita ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa hindi kumpletong flood control projects sa gitna ng Bagyong Carina.
Ayon kay Cayetano, nabawasan sana ang epekto ng Bagyong Carina kung natapos lang ng DPWH ang matagal nang flood control projects nito.
Ito ay matapos isailalim sa state of calamity ang Metro Manila at limang kalapit na lalawigan matapos malubog sa matinding pagbaha dahil sa bagyo, na nakaapekto sa 882,861 indibidwal o 183,464 pamilya mula sa 686 barangay sa buong bansa nitong July 24, 2024.
Pinuna na ni Cayetano ang DPWH sa pagdinig ng Senado noong nakaraang taon sa 2024 national budget dahil aniya sa maraming taon nang pagkaantala sa pagkumpleto ng flood control projects.
Kinuwestiyon ng senador ang paglalaan ng pondo sa mga proyektong ito at iminungkahi na ituon ito sa paggawa ng mga bagong imprastraktura.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang maintenance at rehabilitation budget ng DPWH, na lumampas sa P200 bilyon – humigit-kumulang sa kabuuang budget nito na P737 bilyon – at kung paano nabigo ang mga proyektong ito na tugunan ang isyu.
Upang makamit ang mga plano ng gobyerno na tugunan ang malawakang pagbaha sa bansa at mabawasan ang mga gastos, nanawagan si Cayetano nang mas malakas na suporta at tamang pagpopondo para sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Science and Technology (DOST).