Naging sentro ang hip hop music sa inabangang half time show ng Super Bowl LVI na ginanap sa SoFi Stadium sa Inglewood, California.
Ito ay makaraang magsama ng puwersa sa pagbibigay aliw sina Dr. Dre, Snoop Dogg, Eminem, Mary J. Blige at Kendrick Lamar.
Sinasabing kung pagsasamahin ang naturang mga bigating musicians aabot sa 44 na Grammy awards na ang mga tinanggap ng mga ito kung saan pinakamarami ay si Eminem na nasa 15.
Sinimulan nina Snoop Dogg at Dr. Dre ang show sa awiting “The Next” at sinundan ng “California Love.”
Nagkaroon naman ng sorpresang appearance si 50 Cent na nag-perform ng “In Da Club.”
Agaw pansin naman si Mary J. Blige na suot ang rhinestoned outfit na may over-the-knee boots.
Kinanta niya ang “Family Affair” at “No More Drama” songs.
Si Lamar naman ay humataw ng medley of songs kasama ang mga back-up dancers.
Sumunod sa kanya si Eminem at inawit ang “Lose Yourself.”
Naging kontrobersiyal ang pagluhod ni Eminem matapos ang kanyang awitin na sinasabing bahagi ng tribute sa mga protesta noon ng dating 49ers quarterback na si Colin Kaepernick dahil sa isyu ng police brutality at racial injustice.
Kabilang naman sa mga Hollywood stars na nagpaabot ng pagbati sa mga performers ay si Lady Gaga.
“THAT WAS A BOMB OF RADICAL LOVE THANK YOU #SuperBowl HALFTIME SHOW!! Incredible!! That’s what it’s all about!!” ayon sa tweet ni Lady Gaga.
Kung maaalala naging tradisyon na sa Super Bowl ang mga engrande at makasaysayang performances na inaabangan ng milyun milyong mga fans.
Ilan pa sa mahabang listahan sa nakalipas na makasaysayang performances sa Super Bowl halftime shows ay kinabibilangan nina Madonna, Beyoncé, Coldplay, Katy Perry, U2, Lady Gaga, Michael Jackson, Jennifer Lopez, Shakira at kamakailan lamang ay ang The Weeknd.
Samantala aminado naman si Snoop Dogg na malaking bagay sa kanila ang halftime show kaya todo pasalamat sila sa NFL dahil alam naman daw nilang maraming sektor ang ayaw sa hip hop music.
Pero sa kabila nito, kinuha pa rin sila para mag-perform.
Sa kabilang dako tinanghal naman na kampeon ang Los Angeles Rams laban sa Cincinnati Bengals sa score na 23-20.
Ito na ang second Super Bowl championship at unang titulo sa Los Angeles mula taong 1951.