-- Advertisements --

Binatikos ni top US virus expert Dr. Anthony Fauci ang White House dahil sa pagsasagawa nito ng pagtitipon noong nakalipas na buwan na iniuugnay sa naitalang outbreak ng COVID-19.

Ayon kay Fauci, na miyembro rin ng White House coronavirus task force, ang pagpapakilala ni US President Donald Trump sa kanyang nominee sa Supreme Court ay isang “superspreader event.”

Kung maaalala, noong Setyembre 27 (Manila time) nang i-nominate ni Trump si Amy Coney Barrett bilang Supreme Court justice, na sinasabi naman ni Fauci na pinag-ugatan ng localized outbreak.

“The data speak for themselves – we had a superspreader event in the White House, and it was in a situation where people were crowded together and were not wearing masks,” wika ni Fauci.

Umabot sa 11 katao na dumalo sa naturang event ang nagpositibo sa deadly virus, kasama na si Trump, asawa nitong si Melania, dalawang senador, maging si White House press secretary at dating Trump counsellor Kellyanne Conway.

Kamakailan nang bigyan na si Trump ng clearance ng kanyang mga doktor na dumalo sa mga public events, kulang-kulang isang buwan bago ang presidential elections sa Nobyembre.

Una na ring nagpahayag ng kanyang duda si Trump sa ilang mga hakbang gaya ng pagsusuot ng face mask at ang pagpapatupad ng lockdown para labanan ang pagkalat ng virus, na kumitil na sa buhay ng 213,000 katao sa Estados Unidos.

Nabanggit na rin ni Trump ang posibilidad ng pagkakaroon na ng bakuna laban sa coronavirus, ngunit sinabi ng mga researchers na malabo pa ito mangyari ngayong taon.

Binigyang-diin naman ni Fauci na sa huling anim na buwan ay patuloy na ipinapaalala ng mga eksperto ang palagiang pagsusuot ng face mask.

Nabatid na ipinagbabawal pa rin ang malakihang mga pagtitipon sa kabisera ng Amerika dahil sa COVID-19, ngunit exempted ang mga pag-aari ng pamahalaan gaya ng White House. (BBC)