LEGAZPI CITY – Bukas si dating National Task Force on COVID-19 Special Adviser Dr. Tony Leachon na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman ukol sa mga alegasyon ng anomalya sa Department of Health (DOH) sa gitna ng coronavirus pandemic.
Sinabi ni Leachon sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na wala itong pinagsisihan sa mga nangyari at sa mga isinapublikong pahayag.
Tanging ikinasasakit lamang umano nito ng loob ang hindi na direktang makapagsilbi sa paglaban sa coronavirus crisis subalit hindi titigil sa pagtulong.
Pinabulaanan naman ni Leachon ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na umano’y pinagmumukhang sinungaling ang mga opisyal upang magmukhang siya ang nagsasabi ng totoo.
Imbes umanong aksyunan ang “inefficiency” at igiit ang accountability ng isang opisyal, mistulang na-tolerate pa raw sa hakbang ni Roque at naging dahilan upang siraan ang ibang nagtatrabaho ng maayos.
Sa kuwestiyon ni Roque sa papel ni Leachon sa NTF, nilinaw nitong siya ang tumitingin sa statistics at ilang pag-aaral upang mailatag bilang intervention sa community quarantine.
Samantala, hangad umano ni Leachon na maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay malinawan sa pagdedesisyon at pinapanigan sa kapakanan na rin ng taumbayan.