ILOILO CITY – Inalala ng chairman ng Florete Group of Companies na si Dr. Rogelio Florete Sr. ang nangyaring pagdukot sa kanya, 30 taon na ang nakalipas.
Ayon kay Dr. Florete, ang nasabing pangyayari ay itinuturing niya na “pinakamadilim” na bahagi ng kasaysayan ng Bombo Radyo Philippines.
Sinabi ni Dr. Florete, Setyembre 4, 1989 nang dinukot siya ng mga armadong lalaki sa Jaro, Iloilo City habang sakay sa kanyang sasakyan kasama ang anak na si Miss Margaret Ruth Florete na ngayon ay president and chief executive officer ng Bombo Radyo Philippines.
Inihayag ni Dr. Florete na siya lang ang dinukot ng mga armadong lalaki at dinala sa Talisay City, Negros Occidental sakay sa pump boat.
Habang siya raw ay nasa kustodiya ng mga kidnapper, naging malaking hamon sa kanya dahil nagkataon pa ang insidente rin nang assassination kay Bombo Rino Arcones, dating area manager for Visayas ng AM Division ng Bombo Radyo noong Oktubre 17, 1989.
Maliban sa assassination kay Bombo Rino, namatay din ang kanyang kapatid na si Teresita habang hawak siya ng mga suspek.
Umabot ng 72 araw ang negosasyon bago pinakawalan si Dr. Florete noong Nobyembre 14, 1989.
Aniya, ang taimtim na pananalig sa Panginoon ang kanyang naging sandata upang malampasan ang malaking hamon sa kanyang buhay.
Sa kabila ng pagpapakalat ng fake news ng isang media outlet na siya ay pinatay daw ng kidnappers, sinabi ni Dr. Florete na malaki ang kanyang pasasalamat sa lahat ng mga naniniwala sa Bombo Radyo Philippines na hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagsuporta sa network.