-- Advertisements --
dragon boat
Dragon Force

KALIBO, Aklan — Agaw pansin sa isla ng Boracay ang isang sand art sa dalampasigan na nagbibigay ng parangal o pagkilala sa mga namatay na miyembro ng Boracay Dragon Force team, isang linggo na ang nakalipas.

Ibinahagi ng nasabing grupo ang larawan ng sand art na may nakasulat na “Salute to the 7 paddlers”.

Namatay ang pitong miyembro ng team na kinabibilangan ng apat na lalake at tatlong babae na paddlers makaraang tumaob ang kanilang sinakyang dragon boat sa baybaying sakop ng Barangay Manocmanoc sa naturang isla.

Maalalang hinampas ng malakas na alon ang bangka na gawa sa fiber glass dahilan na ito ay tumaob habang nagsasagawa ang mga ito ng routine training para sa lalahukang international competition sa Nobyembre sa Taiwan.

Nananatili pa rin na suspindido ang karera at training ng dragon boat sa isla habang pinag-aaralan pa ang emergency protocols na kakailanganin.