KALIBO, Aklan – Nakatakdang talakayin ng Boracay Inter-Agency Task Force sa isasagawang pulong ngayong araw ang pagpapalakas ng kanilang emergency response.
Ito’y kasunod ng pagkasawi ng pitong miyembro ng Dragon Force team makaraang tumaob ang kanilang sinasakyang dragon boat sa baybaying sakop ng Sitio Lingganay, Barangay Manoc-Manoc sa Boracay.
Rerepasuhin umano nila ang kasalukuyang umiiral na protocols upang makalikha ng kongkretong emergency management.
Una rito, sinabi ni Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group general manager Natividad Bernardino na naging mabagal ang emergency response ng mga ahensiya ng gobyerno dahil maliliit na mga bangka ang unang nakatulong sa mga biktima.
Titingnan aniya nila ang kapasidad ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na kabilang sa quick emergency response.
Kung may kakulangan at problema, agad daw nila itong bigyang pansin.
Kasamang pupulungin ng task force ang Philippine National Police-Maritime, local government units, Philippine Coast Guard, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at water sports associations.