KALIBO, Aklan – Sama-samang nag-candlelight vigil ang mga residente, Boracay Inter-Agency Task Force at dragon boat community sa front beach ng Sitio Lingganay, Barangay Manoc-Manoc, sa lugar kung saan nasawi ang pitong paddlers ng Dragon Force team nang tumaob ang kanilang bangka.
Ito ang kinumpirma ni Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group General Manager Natividad Bernardino sa Bombo Radyo, matapos na kanilang ipinagdasal ang mga biktima kasama ang kanilang mga kaanak na nagdadalamhati sa pagkamatay ng mga ito.
Sa ngayon aniya ay pansamantalang sinuspinde ang dragon boat activities ng apat na grupo na mayroon sa isla, habang pinag-aaralan nila ang practice at training na ginagawa sa aktibidad.
Mensahe namang ipinadala ni Remedy Aquino, vice president ng koponan, nagpapatuloy ang kanilang pagkalap ng tulong pinansyal para sa mga biktima ng trahedya.
Ayon kay Aquino, sa kasalukuyan ay may nalikom na silang aabot sa P400,000 mula sa iba’t-ibang dragon boat federations sa buong bansa.