KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang Marine Casualty Investigation ng Phililippine Coast Guard (PCG)-Aklan hinggil sa pagkasawi ng pitong miyembro ng Boracay Dragon Force team, Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Lt. Commander Marlowe Acevedo ng PCG-Aklan, sa pamamagitan nito ay matutukoy kung pagkalunod o pagkahampas sa mga bato ang ikinamatay ng mga biktima upang makagawa ng rekomendasyon at hindi na maulit pa ang trahedya.
Iginiit ni Acevedo na hindi sila nagkulang sa pangyayari dahil hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang grupo para sa gagawing pagsasanay.
Dagdag pa nito na dapat ay may suot na life jacket ang mga biktima kahit sagabal ito sa kanilang pagsagwan dahil “open deck” ang kanilang bangka.
Ang 21 miyembro ng dragon boat team ay nagsasanay para sana sa sasalihang international competition sa Taiwan sa darating na Nobyembre ngunit hinampas ng malakas na alon kaya tumaob ang kanilang bangka sa karagatang bahagi ng Barangay Manoc-Manoc sa isla.
Nakaligtas ang 14 sa mga ito dahil nakalangoy sa tabing-dagat, ngunit pito ang tuluyang binawian ng buhay.
Ilan sa mga miyembro ng grupo ay lifeguard, habang ang iba ay residente at nagtatrabaho sa iba’t-ibang establishment sa tanyag na isla.
Sa kabilang dako, balak ng Boracay Inter-Agency Task Force na gawing requirement sa mga gustong sumali sa dragon boat team ang kakayahang lumangoy.
Unang kinumpirma ng grupo na ilan sa kanila ay hindi marunong lumangoy kaya nang mangyari ang insidente ay naghilahan ang mga ito.
Gusto rin ng task force na magpatupad ng patakaran na ipagbigay-alam sa PCG ang lahat na gagawing water sports activities sa Boracay.
Itinutulak din nila ang pagkakaroon ng dagdag na lifeguard stations, rubber boats at rescue equipment sa isla.