-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Aminado si Department of Public Works and Highways (DPWH)-Aklan District Engineer Noel Fuentebella na dahil sa drainage system kaya nakaranas ng pagbaha sa ilang lugar sa Boracay.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Fuentebella, sinabi nito na on-going hanggang sa ngayon ang kanilang proyekto bilang bahagi pa rin ng rehabilitasyon sa isla.

Paglilinaw nito, natapos na nila ang Phase 1 na kinabibilangan ng road construction at pagsasaayos ng drainage system subalit ang naging problema lamang ay hindi pa sila nakakabit sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).

Ipinaliwanag ni Fuentebella na kailangan nilang makakonekta sa TIEZA upang mai-flush ang tubig-ulan at baha sa kanilang pumping station na direktang lalabas sa dagat.

Kaugnay nito, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa TIEZA upang mabigyan ng solusyon ang naturang problema sa isla.