Nakaalis na sa Lobo, Batangas ngayong Biyernes ng umaga ang dredger ship na MV Emerald.
Sa isang panayam, sinabi ni Lobo Mayor Jurly Manalo na alas-7:30 ng umaga nang makaalis sa lugar ang 2,990-toneladang Chinese-crewed hopper dredger.
Patungo raw ito sa Batangas Pier at doon daw muna dadaong ng ilang araw.
Una rito, sinabi ng Seagate Engineering and Buildsystems na balak nilang alisin sa international port sa Batangas City ang MV Emerald alinsunod na rin sa instructions ng Philippine Ports Authority (PPA).
Noong nakaraang linggo nang dumating ang hopper dredger sa Lagadlarin sa Lobo lulan ang Chinese crew nito.
Naalarma ang mga residente matapos malaman na gagamitin ang naturang barko para mag-dredge ng buhangin sa Lobo River.
Nabatid na nagkaroon ng isang memorandum of agreement ang Seagate at Lobo municipal government noong 2008 para sa dredging ng hanggang 2 million cubic meters ng buhangin sa 6.5-kilometer stretch ng Lobo River.
Ang buhangin na nakukuha ng Seagate ay ibinibenta naman ng $2 kada metric ton sa Synergy Plus Holdings Ltd. para sa reclamation at construction ng Hong Kong International Airport Three Runway System.