Sa gitna ng pagsuspinde ng 22 reclamation projects sa Manila Bay, inihayag ng isang grupo ng mangingisda na nagpatuloy ang dredging activities sa Cavite.
Sinabi ng Pamalakaya Pilipinas na ang mga barko ay nakitang nagsasagawa ng dredging operations sa baybayin ng Rosario, Noveleta, Tanza, at Naic sa Cavite noong Linggo ng umaga.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na lahat ng reclamation project sa Manila Bay maliban sa isa ay sinuspinde dahil sa mga problema sa pagpapatupad.
Sinabi ng Pangulo na maaaring mawala ang dagat sa kahabaan ng Roxas Boulevard dahil sa naturang reclamation projects.
Ayon sa Pamalakaya, ang maliliit na mangingisda sa Cavite ay nawalan ng 80%-90% ng kanilang pang-araw-araw na kita mula nang magsimula ang dredging activities dalawang taon na ang nakararaan.
Nanawagan ang grupo kay Marcos na maglabas ng executive order para ipagbawal ang reclamation.
Sa isang briefing ng Palasyo noong unang bahagi ng buwan, sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Antonia Yulo Loyzaga na kailangan ang mga reclamation projects sa pagpapabuti ng ekonomiya, ngunit dapat isaalang-alang ang ekolohikal na epekto nito.