Nais umanong malaman ni Sen. Franklin Drilon ang status ng mga bodyguards ni Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Ang naturang mga tauhan ng dating alkalde ay kasama nitong nahatulang mabilanggo dahil sa rape-murder case ni Eileen Sarmenta at murder naman para kay Allan Gomez noong 1993.
“Hindi lang si Sanchez ang involved sa Eileen Sarmenta at Gomez [case]. ‘Yung anim na bodyguard, nakawala na ba?” wika ni Drilon sa isang panayam. “Yun ang dapat natin itanong kaya dapat ituloy ang pag-di-dinig na resolution na fi-nile.”
Inihain ni Drilon ang Resolution No. 106 na nagpapatawag ng pagdinig sa Committee on Justice and Human Rights upang malaman kung naaresto ba o hindi ang mga tauhan ni Sanchez.
Tutukuyin din sa imbestigasyon kung karapat-dapat ba si Sanchez sa Republic Act No. 10592 na maaaring magbigay daan para makalabas ito sa piitan sa pamamagitan ng good conduct time allowances (GCTAs).
Saklaw ng desisyon ng Korte Suprema ang naturang amyenda sa Revised Penal Code na pinagtibay noong 2013.
Una nang sinabi ng Department of Justice na hindi sakop ng batas si Sanchez dahil dawit ito sa heinous crime.
Hindi rin umano papayag si Pangulong Rodrigo Duterte na makalabas ng kulungan at mapagaan ang sintensya ng dating mayor.