Ibinunyag ni Senator Franklin Drilon na nakakuha ang Pharmally Pharmaceutical Corporation ng 26.39% o mahigit P10 bilyon ng P41.46 bilyon mula sa pondo ng gobyerno sa pagbili ng COVID-19 supplies.
Sa pagtutuloy ng Senate blue ribbon committee hearing, ipinakita ni Drilon ang kabuuang halaga na inobliga ng Department of Budget and Management Procurement Service noong Setyembre 21, 2021.
Bukod pa sa Pharmally ipinakita rin ng senador ang 10 suppliers na nakakuha ng bilyong halaga ng pondo mula sa PS-DBM.
Base sa buod nito na mayroong kabuuang delivery receipts ang PS-DBM ng P39.397 bilyon sa P41.46-B na nailipat na pondo sa Department of Health.
Duda rin ito na ang mga nakalistang suppliers ay hindi naghain ng kanilang mga tamang Income Tax Returns (ITR) sa Bureau of Internal Revenue.
Magugunitang iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee ang paglipat ng P42 bilyon COVID-19 funds mula sa Department of Health patungo sa PS-DBM.