-- Advertisements --

Tahasang kinontra ng Malacañang ang naging pahayag ni Sen. Franklin Drilon na “failure” ang Build, Build, Build program ng Duterte administration.

Una nang inihayag ni Sen. Drilon na nasa siyam lamang na mga infrastructure projects ang nasimulan ang konstruksyon mula sa mahigit 70 proyektong ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, wala umanong basehan ang binanggit ni Drilon at sa katunayan ay hindi na mabilang ang mga proyektong nagpapatuloy ngayong ginagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Sec. Panelo, kabilang na umano rito ang ilang mga airports, highways, tulay, public buildings at railways na malaking tulong sa mga commuters kung makompleto ang naturang mga proyekto.

Iginiit ni Sec. Panelo na malayong-malayo umano ito sa anim na taong panunungkulan noon ng Aquino administration na wala kahit isang infrastructure naipatayo.

Pinayuhan pa ni Sec. Panelo si Sen. Drilon na i-check ang mga pinagkukunan ng data kaugnay sa mga infrastructure projects ng Duterte administration.