CENTRAL MINDANAO – Magsasagawa ng dalawang araw na drive thru at walk-in anti-COVID-19 vaccination ang city government ng Kidapawan sa pamamagitan ng ResBUSkuna sa Oktubre 16-17, 2021.
Target mabakunahan ng ResBUSKuna ang mga edad 18-years old pataas na hindi pa nababakunahan hanggang sa kasalukuyan.
Tutulak ang Mobile Vaccination Bus ng city government at pupwesto sa tapat ng St. Mary’s Academy of Kidapawan sa Quezon Boulevard malapit sa Our Lady Mediatrix of All Graces Cathedral para isagawa ang pagbabakuna sa mga mamamayan.
Pangangasiwaan ni City Mayor Joseph Evangelista ang pagsasagawa ng ResBUSkuna para sa mga vaccinees.
Bukas ang ResBUSkuna Drive Thru at Walk In Anti COVID-19 vaccination para sa mga taga-Kidapawan City na pasok sa nabanggit na age bracket.
Pinapayuhan ang mga nagnanais magpabakuna na magdala at magpakita ng kanilang mga CCTS Card o QR Code sa mga health workers bago magpabakuna.
Kailangan naman ang medical certificate kung may co-morbidity ang magpapabakuna.
Gagawin ang ResBUSKuna mula alas-8:00 ng umaga hanggang sa alas-2:00 ng hapon sa nabanggit na petsa.
Panawagan ngayon ng city government sa lahat na sa Bakuna at Disiplina, May Pag-asa.