NAGA CITY – Dead-on-arrival ang dalawang lalaki matapos makasalpok ang isang motorsiklo sa isang pick up sa Diversion Rd., Brgy. Triangulo, Naga City.
Kinilala ang mga biktima na sina Warren Villagomez, 25-anyos, residente ng Patag, Libmanan, Camarines Sur at ang backrider nito na si Jorex Buban, 22-anyos, residente kan Zone 6, Brgy. Concepcion Grande, Naga City.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni PMaj. Rey Alvarez, Chief of Police ng Naga City Police Office 5, sinabi nito na habang paliko na umano ang pick-up na minamaneho naman ni Oliver Dy, 48-anyos, residente ng San Roque, Camaligan, Camarines Sur papunta sa M-Plaza ng maabotan ito ng paparating na motorsiklo mula naman sa kabilang direksyon na minamaneho ni Villagomez dahilan upang makasalpok ito sa nasabing sasakyan.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkakasalpok ng nasabing motorsiklo tumilapon sa sementadong kalsada ng mga biktima, dahilan upang magtamo ng seryosong mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang mga biktima.
Agad naman umanong dinala sa ospital ang mga biktima para sa asistensya medikal ngunit ideneklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.
Samantala, hanggang ngayon hindi pa rin umano makapagdesisyon ang mga kapamilya ng mga biktima kung magsasampa ang mga ito ng kaso kay Dy, lalo na at nakatakda na sanang magpakasal si Villagomez sa kapatid ni Buban sa darating na Enero 28.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.