Iniulat ni Police Regional Office Calabarzon, Regional Director, PBGen. Paul Kenneth Lucas na mayroong military background ang suspek sa sako-sakong shabu na nasabat sa isang checkpoint sa Alitagtag, Batangas.
Ang suspek na tinutukoy ni Lucas ay ang driver mismo ng naharang na van sa naturang checkpoint na puno ng shabu na kasalukuyang nakapiit ngayon sa Batangas Police Provincial Office.
Batay sa ikinasang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na naging miyembro ito ng United States army noong taong 1997, ngunit taong 2005 ay nilisan nito ang kaniyang pagiging sundalo sa Amerika, bumalik sa Pilipinas noong taong 2008, atsaka nagtayo ng isang fitness center sa bahagi ng Metro Manila.
Samantala, sa ngayon ay iniimbestigahan na rin ng mga otoridad ang posibilidad ng pagkakasangkot o koneksyon ng naturang suspek sa mga sindikatong posibleng nasa likod nito.
Matatandaan na naisailalim na sa inquest proceedings matapos na sampahan ng PNP ng kaso ang naturang suspek na may kaugnayan sa paglabag sa Section 5, Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022.