-- Advertisements --

DAVAO CITY – Isinailalim na ngayon sa quarantine ang lahat ng mga pasahero, driver at konduktor sa isang bus na dumating sa lungsod.

Ito ay matapos na may isang pasahero ang nagpositibo sa COVID-19.

Una nang kinumpirma ni City Health Office acting head at Davao City COVID-19 Task Force focal person Dr. Ashley Lopez, na agad isinailalim sa isolation ang mga pasahero na mga returning resident sa temporary treatment and monitoring facility (TTMF) habang ang higit 30 mga pasahero ay naka-quarantine sa tent city at nakatakdang isailalim sa swab test.

Una nang sinabi ni Lopez na ang nagpositibong pasahero ay isa ring returning resident sa lungsod.

Nilinaw ng opisyal na nagmula ang pasyente sa Cebu at doon sumailalim sa swab test at dahil hindi nakahintay sa resulta, bumiyahe na ito sakay sa barko papuntang Cagayan de Oro City at diretsong sumakay sa isang bus bago pa man natanggap ang resulta na nagpositibo ito sa COVID-19.

Dahil sa nasabing pangyayari, muling nagpaalala ang opisyal na sumunod sa health protocols sa siyudad kung saan kailangan magpresenta ng 24-72 hours negative RT-PCR test result lalo na ang mga returning residents.