-- Advertisements --

ROXAS CITY – Public apology mula sa pulisya at militar ang apela ng driver na inaresto kamakailan sa Capiz matapos arestuhin dahil umano sa pagiging lider ng rebeldeng grupo.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Baltazar Saldo na hindi matutumbasan ng kahit anong halaga ang kahihiyan na idinulot ng palpak na pagsisilbi ng warrant of arrest ng mga opisyal.

Sariwa pa raw kasi para sa driver ang insidente matapos dakpin ng Police Regional Office 6 – Regional Intelligence Division at Philippine Army 61st Infantry Battalion sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Sto. Angel, bayan ng Dumalag.

Batay sa kwento ni Saldo, kausap niya ang mga kapwa driver nang biglang tigilan ng isang itim na sasakyan at pinadapa ng mga armadong lalaki.

Inapakan pa raw ng isang opisyal ang kanyang ulo.

Napawalang sala lang si Saldo nang kumpirmahin ng dalawang babae sa pulisya na hindi ang itinuturong Virgilio Paragan na sinasabing commanding officer ng isang unit ng New People’s Army sa Negros.