BACOLOD CITY – Pupunta ngayong araw sa La Castellana, Negros Occidental ang team mula sa Provincial Health Office upang kukuha ng swab samples sa mga tao na nakasalamuha ng driver na nagpositibo sa coronavirus disease.
Kagabi kinumpirma ng alkalde ng La Castellana na may isang residente na nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang bayan.
Ito ang naiulat na ikalawang kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental.
Ang nasabing pasyente ay isang 43-anyos na lalaki mula sa Barangay Nato, La Castellana at nakasalamuha nito sina WV 37 kag WV 38 na parehong mag-asawa mula sa Pavia, Iloilo dahil nagtatrabaho ito bilang isang driver.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Rhumyla Nicor-Mangilimutan, kagabi lang lumabas ang resulta ng swab test nito na kinuha noong Abril 12 at ipinadala nitong Abril 13.
Ayon kay Mangilimutan, matapos matanggap ang resulta, agad itong nag-convene sa Inter-Agency Task Force Against Coronavirus ng bayan kasama ang ibang mga ahensya.
Nagpalabas rin ito ng Executive Order na isasailalim ang Barangay Nato sa Extreme Community Quarantine habang mananatili namang nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang ibang mga barangay ngunit pinagbabawalan pa rin ang pagbyahe ng mga tricyle at e-bike.
I-isolate rin ang nasabing barangay at nagrequest ito ng reinforcement upang madagdagan ang mga pulis.
Ayon sa alkalde, nasimulan na ang contact tracing at inirekomenda nito na isailalim sa swab test ang mga may close contact sa pasyente.
Aniya, walang dapat ikabahala ang mga residente dahil walong araw nang nasa estableng kondisyon ang pasyente at nagnegatibo rin ang pamilya nito.
Nanawagan rin ito ng kooperasyon ng mga residente na magtulungan, maging disiplinado at magdasal upang malabanan ang virus.