-- Advertisements --

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na patay na nang makita ng mga tauhan ng PNP-Anti Kidnapping Group ang driver ng batang biktima ng kidnapping noong February 20, 2025
Sinabi ni Remulla na base sa sophisticated surveillance equipment na taglay ng PNP AKG natukoy nila ang isang sasakyan sa san Rafael Bulacan kung saan nakitang pinatay na ang driver.

Nakita aniya sa sasakyang ito ang mga ebidensiya na ginamit ng mga otoridad para matunton kung nasaan ang sindikato kasama ang batang biktima sa Paranaque city kagabi.

Naniniwala si Remulla na hindi na nagawang hakutin o bitbitin pa ng mga suspek ang mga ginamit nila sa kidnapping operation, dahil malapit na sa kanila ang mga otoridad kaya napilitang iwan ito sa sasakyan kung saan natagpuan ang driver ng bata na patay na.

Sinabi ni Remulla, na mula nang matunton ang kinaroroonan ng mga suspek sa ginawang follow-up operations, nataranta na ang mga ito kaya nauwi ito sa wala nang ransom.

Sa isang lugar sa Paranaque natunton ang sasakyan ng mga suspek, at ang bata ay nakita na lamang na nakatayo sa gitna ng kalsada na may benda ang kamay, patunay ng unang ipinakitang video sa mga magulang na pinutulan ito ng parte ng kaniyang kanang hinliliit.

Dinepensa ni Remulla ang ginawa ng mga Pulis na mas pinili ng mga ito na kuhanin na ang bata para ma secure kesa ang habulin ang sasakyan ng sindikato na nakatakas.

Nakuha aniya ng mga pulis ang bata na nagpakita ng tapang dahil hindi ito nakitang umiiyak.

Tiniyak naman ni Remulla na hindi rito nagtatapos ang operasyon, kundi nagpapatuloy ang hot pursuit operation sa mga suspek.

Tukoy na rin ng PNP ang mga nasa likod ng krimen na mga Chinese nationals na dating nago-operate ng POGO.