ILOILO CITY – Humingi ng extension sa Land Transportation Office (LTO) hinggil sa kanyang show cause order ang driver ng sports car na nakasagasa-patay sa mag-asawang principal at teacher sa Senator Benigno Aquino Jr. Avenue, Mandurriao sa Lungsod ng Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Riza Otayde, tagapagsalita ng LTO-6, sinabi nito na nagpadala ng liham sa LTO si June Paul Valencia, 32, ng Villa Perla Subdivision sa Mandurriao, Iloilo City, upang humingi ng 15 araw na extension sa show cause order.
Ayon kay Otayde, himingi ng pag-unawa si Valencia dahil sa nararanasan nitong mental confusion matapos ma-trauma sa nangyaring aksidente na ikinamatay ng mag-asawang Joe Marie Osano, 49-anyos na principal ng Lapaz II Elementary School at maybahay nito na si Alnie Dinah Osano, 45-anyos na Master Teacher II ng Ticud Elementary School.
Nitong Hunyo 18 inilabas ang show cause order kung saan binigyan ng limang araw si Valencia na makapagpaliwanag.
Pinagbawalan na rin si Valencia na makapagmaneho ng ano mang sasakyan dahil suspendido kanyang driver’s license sa loob ng tatlong buwan.