-- Advertisements --

Nag-alok ang Department of Transportation (DOTs) at Office of Transport Cooperatives (OTC) ng tulong para makapagbigay trabaho sa mga tsuper na bigong makapagconsolidate sa December 31, 2023 deadline.

Tutulungan ng mga naturang ahensya na magkaroon hanap buhay ang mga Public Utitlity Vehicles (PUV) drivers na hindi nakapag consolidate sa loob ng kooperatiba o korporasyon.

Binibigyan naman ng 27 na buwan bago palitan ng mga modernized jeepneys ang mga consolidated traditional jeepneys na pumasa sa standard.

Hindi bababa sa 190,000 na units ang na-consolidate na, base sa huling datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Mahigit 1,700 na koopertiba at korporasyon naman ang natayo simula nang nagsimula ang PUV modernization program noong 2017.

Nilinaw naman ni OTC Chairman Andyu Ortega na maaaring pumili ang mga trasport groups ng mga supplier ng modern PUV. Ito ay sa kabila ng kaliwa’t-kanan na hinaing ng mga transport groups sa mahal na presyo ng mga imported modernize vehicles.

“Malaya po iyong ating mga kooperatiba na bumili, mamili kung ano po iyong gusto nilang disenyo, quality or brand – nasa kamay iyan ng kooperatiba, wala pong ginagawang impluwensiya ang DOTr family natin ngayon, malaya po silang makapili,” ayon sa OTC Chairman. 

Dagdag pa ni Ortega na nilalayon ng gobyerno na makapang-hikayat ng mas marami pang local manufacturers ng mga modernize PUV.

Kung babalikan, bibigyan na lamang ng hanggang Enero 1 ang mga unconsolidated jeepneys para bumyahe.