LAOAG CITY – Kinumpirma ng PNP sa Bangui, Ilocos Norte na kasalanan ng driver ng motorsiklo sa nangyaring disgrasya sa Bolo Bridge ng Barangay Lanao ng nasabing bayan.
Sinabi ni PCpt. Julius Basallo, hepe ng Bangui PNP, na base sa kanilang imbestigasyon ay nag-overtake ang motorsiklo na minaneho ni Neil Sherwin Antonio, 22, residente ng Brgy. Malasin ng nasabing bayan sa kasunod nitong GMW Bus habang patungong timog na direksiyon.
Nakabanggaan ni Antonio ang kulong-kulong na minaneho ni JunJun Ventura sakay ang namatay na biktima na si Gina Ventura sa kabilang lane.
Ani Basallo, hindi nakaiwas ang bus dahil walang shoulder ang tulay dahilan upang masagasahan nito ang backride na babae matapos mahulog ito sa kulong-kulong dahil sa banggaan.
Haharap si Antonio sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to property at posible din na masangkot sa kaso ang driver ng bus na si Jerry Bayaca na taga Brgy. Fugu, Ballesteros, Cagayan.
Pinaalalahanan ni Basallo ang mga motorista na magsisilbing halimbawa ang desgrasya at maging responsable sa pagmamaneho.