-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naihain na sa prosecutor’s office ang kasong kakaharapin ng jeepney driver na sangkot sa head-on collision sa isang motorsiklo kung saan namatay ang driver nito sa Barangay Payawin, Gubat, Sorsogon.

Binawian ng buhay ang motorcycle driver na si Rustico Estabaya, 38-anyos na residente ng Barangay Cogon ng nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Maj. Jim Jeremias, hepe ng Gubat Municipal Police, kusang sumuko ang driver ng jeep na si Rosauro Espiel, 42-anyos na residente ng Barangay Sta. Ana.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na si Estabaya na matulin ang takbo at nang makarating sa pakurbadang bahagi ng national highway, na-slide ito at saka bumangga sa kasalubong na jeep na papuntang Sorsogon City.

Dahil direkta ang impact, nagtamo ng malalang sugat ang biktima na agad itinakbo sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon kay Jeremias, walang lisensiya ang biktima, walang rehistro ang motor at wala ring suot na helmet.

Mahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide si Espiel na nasa kustodiya na ng himpilan.