-- Advertisements --

Mabilis na tumakas ang driver ng puting SUV na may plate number 7 matapos sitahin ng DOTR-SAICT lady enforcer sa bahagi ng Guadalupe Station, nitong Linggo ng gabi, Nobyembre 3, 2024. 

Ang protocol plate na “7” ay naka-assign sa mga senador, batay na rin sa Executive Order No. 56 na inilabas ng Malakanyang noong Marso 2024. 

Sa ulat ng SAICT, napansin ni Secretariat Sarah Barnachea ng DOTr-SAICT ang puting SUV na ilegal na dumaan sa EDSA bus lane. 

Nangyari ang insidente bago mag-alas siyete ng gabi kagabi. 

Lumapit ang lady enforcer sa sasakyan para hulihin at i-verify ang pagkakakilanlan ng driver. Gayunpaman, ang driver sa halip na aniya makipagtulungan ay sinubukang sagasaan ang enforcer at agad tumakas sa pinangyarihan. 

Makikita rin sa video na itinaas ng isang pasahero sa likurang upaan ng SUV ang kanyang gitnang daliri sa mga opisyal habang sila ay tumakas. 

Kinokondena ng ahensya ang ginawa ng driver at ng pasahero sa nangyaring insidente. 

Ginagawa lamang daw ng mga opisyal ang kanilang trabaho para mapanatili ang kaayusan at matiyak ang maayos na daloy ng trapiko. 

Sa ngayon, hindi pa tukoy kung sinong senador ang nagmamay-ari ng puting SUV.