-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ang isang lalaki matapos mamatay ito nang aksidenteng madaganan ng minamaneho nitong pampasaherong jeep sa Gulon, Ambiong, La Trinidad, Benguet kahapon.

Nakilala itong si Jordan Burcao, 40-anyos, driver at residente ng Navy Base, Baguio City.

Batay sa report, ipinarada ng biktima ang minamaneho nitong jeep na may plakang DLY 997 sa paakyat na bahagi ng kalsada.

Pinagana nito ang sasakyan bago bumaba para alisin ang kalsong bato.

Gayunman, biglang umatras ang jeep kaya hinabol ito ng biktima.

Tumapat ang biktima sa driver’s side ngunit nagpatuloy ito sa pag-atras hanggang sa matumba at madaganan o maipit ang driver.

Itatakbo sana ito sa ospital ngunit hiniling ng kanyang pamilya na maiuwi na lamang ito sa kanilang tahanan dahil naniniwala silang pumanaw na ang biktima.

Nagpatawag na lamang ang mga ito ng doktor na siyang nagdeklara na pumanaw na ang biktima.