LAOAG CITY – Plano ni Mr. Anthony Gaviola, Federated President ng Public Utility Jeepney dito sa lalawigan ng Ilocos Norte na magsagawa ng unity walk bilang pagprotesta laban sa resolusyon ng Senado na pagsuspinde sa Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP).
Ito ay matapos magsagawa ang mga driver at transport cooperatives ng unity walk sa Quezon City kung saan umabot sa 10,000 katao ang lumahok.
Ayon kay Gaviola, dapat ay pinag-iisipan ng Senado ang posibleng epekto ng pagsusulong ng nasabing resolusyon.
Aniya, malaki na ang naging gastos nila sa pagko-consolidate tulad ng pamasahe, pagkain, at pagpapanotaryo ng mga papeles.
Kinumpirma rin ni Gaviola na kung maipapasa ang resolusyon, maaari ring magpatuloy ang unity walk at maaaring mauwi pa sa paghinto ng biyahe ng mga jeepney driver.
Gayun pa man, ipinaalam niya na dito sa lalawigan ng Ilocos Norte, 90% na ang sumunod sa direktiba ng Department of Transportation at mayroong dalawang ruta na ng modern jeep sa probinsya ngunit mas madami pa rin ang mga traditional jeep na umaabot hanggang 500 habang ang mga modernong jeep ay mayroon lamang 47.
Samantala, pabor naman si Reynaldo Calixto, isang jeepney driver sa Laoag-Gabu Terminal, sa pagsuspende ng Public Utility Vehicles Modernization Program dahil hindi nila kayang bayaran ang presyo ng isang modern jeep.