-- Advertisements --
image 142

Naniniwala ang Estados Unidos na posibleng maging operational na sa unang bahagi ng susunod na linggo ang drone factory na ipinapatayo umano ng Russia katuwang ang Iran ayon kay National Security Council official John Kirby.

Giit ng US na nagpapadala umano ng mga materyales ang Iran na ginagamit ng Russia para sa pagpapatayo ng sarili nitong drone factory sa loob ng Alabuga Special Economic Zone sa Russia na 600 miles east ng Moscow gayundin nagsusuplay din umano ito ng full-built drones sa Russia na idinadaan sa pamamagitan ng Caspian Sea.

Kaugnay nito naglabas ang US ng isang satellite image ng planned location ng umano’y drone manufacturing plant ng Russia.

Nito ding Biyernes lamang, naglabas ang Amerika ng isang mapa na nagpapakita ng ruta ng Iran kung saan lumalabas na nagpapadala ito ng equipment mula sa Amirabad, Iran patungong Makhachkala, Russia.

Una rito, inakusahan ng Amerika ang Russia na bumili umano ito ng daan-daang drones mula sa Iran simula pa noong nakalipas na taon at ginagamit ito para sa giyera sa Ukraine.

Ayon pa kay Kirby, gumagamit ang Russia ng Irainian unmanned aerial vehicles sa nakalipas na mga linggo para sa pag-atake nito sa Kyiv at pag-terrorize sa mamamayan ng Ukraine at tila lumalalim pa aniya ang military partnership ng Russia at Iran.

Sinabi ng US official na inilabas ng Amerika ang naturang impormasyon sa publiko upang maibunyag at mapigilan ang nilulutong full-scale defense partnership ng dalawang bansa.

Inihayag din ni Kirby na ipagpapatuloy ng Amerika ang pagpataw ng sanctions sa Iranians, Russians at iba pang bansa na sangkot sa pagbili ng naturang mga equipment.